Walang patid na ang pagpapadala ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar na apektado ng bagyong Enteng at habagat gaya sa Bicol Region.
Ayon sa DSWD, karagdagang 15,000 kahon ng family food packs (FFPs) ang ipinadala na sa Bicol Region mula sa Visayas Disaster Resource Center (VDRC) sa Mandaue City, Cebu.
Kaugnay nito, nasa 423 kahon na rin ng family food packs (FFPs) ang naipaabot na ng DSWD Bicol FO sa Polangui, Albay.
Kabilang sa nahatiran ng tulong ang mga residente ng Brgy. Balinad; Brgy. Sugcad; Brgy. Kinale; Brgy. Ponso; Brgy. Gabon, at Brgy. Ubaliw.
Mayroon na ring higit sa ₱5-milyong halaga ng family food packs (FFPs) ang naipadala na sa 7,402 na mga apektado sa Camarines Sur.
Naipadala ang mga ito sa mga bayan ng Milaor, Minalabac, Pili, San Fernando, at Camaligan.
Tuloy-tuloy naman ang koordinasyon ng DSWD sa mga LGU sa Bicol para sa karagdagang assistance na kanilang kakailanganin. | ulat ni Merry Ann Bastasa