Tuloy-tuloy ang ginagawang price at supply monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga palengke sa Metro Manila bilang bahagi pa rin ng kampanyang sweeptember upang masiguro na nananatiling abot kaya ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ngayong araw, sa New Marulas Public Market sa Valenzuela City nag-ikot sina DTI Secretary Cristina Roque, DTI Assistant Secretary Agaton Uvero kasama na rin si Valenzuela Mayor Wes Gatchalian.
Kasama sa ininspeksyon ang presyo ng bigas kung saan nasa ₱48 ang pinakamababang presyo ng available na local rice.
Tinignan rin ang timbangan ng bayan para masigurong walang nandadaya sa timbang ng mga produktong binibili sa palengke.
Dahil may kasama ring opisyal ng DA, maging ang bentahan ng karneng baboy ay kinamusta rin.
Nag-ikot din ang mga ito sa isang grocery katabi ng palengke kung saan sinilip ang presyo ng ilang pangunahing produkto kasama ang tinapay, noodles, at canned goods.
Ayon naman kay DTI Sec. Roque, compliant sa standards ng DTI ang palengke sa Valenzuela gayundin ang grocery na nananatili sa SRP ang presyo ng mga bilihin. | ulat ni Merry Ann Bastasa