Ipinaaabot ng Embahada ng Pilipinas sa Lebanon na ipinagpaliban nito ang pagsasagawa sana ng isang One Stop Shop event na nakatakdang isagawa ngayong araw, Septyembre 29, 2024, sa Boghossian Theater sa Bourj Hammoud.
Ang nasabing desisyon ay ginawa ng Embahada dahil sa patuloy pa ring banta sa seguridad ng mga pagsabog sa Southern Suburbs ng Beirut.
Binigyang-diin ng Embahada na ang kaligtasan ng kanilang mga tauhan, volunteers, mga dadalo, at ng komunidad ng mga Pilipino sa Lebanon ang kanilang pangunahing prayoridad. Humihingi ang Embahada ng paumanhin sa anumang abala sa pagpapaliban ng kaganapan at mag-a-anunsyo ng bagong iskedyul sa lalong madaling panahon.
Sa kasalukuyan, nakataas pa rin ang Alert Level 3 sa Lebanon, kung saan nananatiling boluntaryo ang pagpapauwi sa mga Pilipinong naroroon.
Sa kaugnay na balita, matapos ang mga strike na isinagawa ng Israel sa Beirut, kinumpirma ng Israeli Defense Forces (IDF) ang pagkamatay ng lider ng grupong Hezbollah na si Hassan Nasrallah.
Si Nasrallah ay isa sa mga kinikilalang founder ng Hezbollah, na itinuturing namang isa sa pinakamapangyarihang pwersang paramilitar sa Middle East.| ulat ni EJ Lazaro