Ipinalabas ng Embahada ng Pilipinas sa Wellington ang isang advisory para sa mga Filipino nurse na naghahanap ng trabaho sa New Zealand na nagbibigay babala ukol sa limitadong oportunidad sa ngayon sa nasabing bansa para sa mga foreign nurse o Internationally Qualified Nurses (IQNs).
Ayon sa Embahada, bagama’t may mga indibidwal at ahensya na nag-aalok ng tulong upang makakuha ng visitor visa para kumuha ng Comprehensive Assessment Program (CAP) o Objective Structured Clinical Examination (OSCE) na kinakailangan ng Nursing Council of New Zealand, hindi ito garantiya o nangangahulugang may trabaho nang makukuha sa nasabing bansa.
Hinimok ng Embahada ang mga Filipino nurse na tiyakin na mayroon silang lehitimong job offer na may beripikadong kontrata at tamang working visa bago bumiyahe abroad.
Ayon sa ilang ulat na natatanggap ng Embahada, may ilang IQNs na nagpupunta sa New Zealand gamit ang visitor visa at napilitang bumalik matapos mabigong makakuha ng trabaho.
Para sa karagdagan pang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Wellington o sa Philippine Migrant Workers Office.| ulat ni EJ Lazaro