Iniulat ngayon ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang 95.3% na employment rate sa bansa para sa buwan ng Hulyo.
Batay yan sa pinakahuling labor force participation survey ng PSA kung saan umabot sa 47.70 milyong mga Pilipino ang nagkatrabaho sa bansa nitong Hulyo.
Bagamat mas mababa ito kumpara noong Hunyo at Abril ng 2024, mas mataas naman ito sa 95.1% employment rate noong kaparehong buwan ng 2023.
Naitala sa Cordillera Administrative Region ang pinakamataas na employment rate na nasa 97.7%, habang ang National Capital Region (NCR) naman ang may pinakamababang employment rate na nasa 93.5% nitong Hulyo.
Samantala, tumaas naman sa 4.7% ang unemployment rate mula sa 4% noong Abril.
Katumbas rin ito ng tinatayang 2.38 milyong walang trabaho noong Hulyo.
Naitala naman sa 12.1% ang underemployemnt rate o mga manggagawang hindi napapasweldo ng sapat at nasa trabahong hindi angkop sa kanilang kakayahan.
Kabilang naman sa mga sektor na may pagtaas ng employment ang wholesale at retail, agri at forestry, accomodation at food service activities, public administration at defense, at construction. | ulat ni Merry Ann Bastasa