Ramdam na ang epekto ng bagyong Enteng sa presyo ng ilang pangunahing bilihin partikular na sa Pasig City Mega Market.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nabatid na aabot sa ₱5 hanggang ₱10 ang itinaas ng presyo ng ilang bilihin gaya ng baka na nasa ₱460 na ang kada kilo mula sa dating ₱450.
Sa baboy naman, nasa ₱300 na ang presyo ng kada kilo ng kasim at sa liempo naman ay nasa ₱340 mula sa dating ₱330 habang sa manok ay nananatiling nasa ₱220 hanggang ₱230 ang kada kilo.
Nananatili namang matatag pa ang presyo ng isda gaya ng galunggong na nasa ₱180 ang kada kilo; bangus ay nasa ₱200 ang kada kilo, habang ang tilapia ay nasa ₱120 ang kada kilo.
Mayroon namang paggalaw sa presyo ng gulay partikular na iyong mga nagmula pa sa Cordillera gaya ng repolyo at pechay Baguio na nasa ₱60 ang kada kilo mula sa dating ₱55.
Nasa ₱100 ang kada kilo ng sibuyas at carrots, ₱70 naman ang kada kilo ng ampalaya at talong, habang nananatiling mataas pa rin ang presyo ng bawang na nasa ₱150 ang kada kilo. | ulat ni Jaymark Dagala