Muling ipinahayag ng Estados Unidos ang suporta nito sa Pilipinas matapos ang isang panibago na namang insidente sa West Philippine Sea (WPS) kung saan tatlong beses na sinadyang banggain ng barko ng China ang isang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Escoda Shoal nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sa pahayag na inilabas ng U.S. State of Department Spokesperson Matthew Miller, kinondena ng Estados Unidos ang agresibong hakbang na ito China na nagdulot ng pagkasira sa sasakyang pandagat ng Pilipinas at panganib sa mga tripulante nito.
Panawagan din ng Estados Unidos sa China na iayon ang mga claim at aksyon nito sa international law kasabay ng pagtigil na ng mga mapanganib at destabilizing na gawain nito sa rehiyon.
Muli ring tiniyak ng Estados Unidos na sakop ng 1951 U.S.-Philippines Mutual Defense Treaty ang anumang armadong pag-atake sa mga pwersang Pilipino, kabilang ang mga barko ng Coast Guard, at saan man ito sa katubigan ng South China Sea.
Siniguro naman ng pamahalaan ng Pilipinas na ipagpapatuloy nito ang kanilang operasyon sa lugar sa kabila ng mga panggigipit ng China.| ulat ni EJ Lazaro