Foreign policy ng PBBM, patuloy na isinusulong ang diplomatikong pag-uusap at di giyera — Rep. Tiangco

Facebook
Twitter
LinkedIn

Binigyang-diin ni House Appropriations Vice Chair at Navotas Representative Toby Tiangco na nananatili ang foreign policy ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang Pilipinas ay “Friends to all and enemy to none.”

Tugon ito ng mambabatas na siyang budget sponsor ng Office of the President sa tanong ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro kung naghahanda ba ang Pilipinas sa pakikipag-giyera.

Bunsod aniya ito ng dagdag na EDCA sites, dagdag na alyansa sa ibang bansa maliban sa US, gayundin ang pagbili ng mga kagamitang pandigma gaya ng Typhon MRC Missile System na nasa Ilocos at pagmamay-ari ng Amerika.

Giit ni Tiangco lahat ng diplomatikong paraan para maiwasan ang conflict o gulo ay ginagawa ng Pilipinas.

“Maliwanag po, lagi sinasabi ng Presidente, isa lang ang kanyang linyang ginagamit dyan, “We are friends to all and enemy to none.” So siguro wala na mas maayos na maliwanag dyan kung bakit hindi tayo dapat mangamba na tayo pupunta sa giyera dahil lahat ng diplomatikong paraan para ma-avoid ang conflict ay ginagawa po. So yun lang ang pinakamaliwanag na paliwanag dyan,” sagot ni Tiangco sa pagsalang ng ₱10.5-billion proposed budget ng Office of the President.

Dagdag pa ng mambabatas, kita naman na ang Pangulong Marcos ay isang malumanay at peace-loving na tao.

Tiniyak din ni Tiangco na sa kabila ng malalim na ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos lalo na sa ginagawang mga military exercises, ay hindi magpapakatuta ang Pilipinas sa US.

“I can assure our dear colleague na hindi po tayo magpapakatuta sa US,” pagsiguro ni Tiangco. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us