Inanunsyo ng Bureau of Immigration (BI) na ang mga patakaran para sa reimbursement ng mga Pilipinong pasaherong naantala ang biyahe ay naghihintay na lamang ng pinal na pag-apruba mula sa Department of Budget of Management (DBM) at Commission on Audit (COA).
Ayon kay BI Officer-in-Charge Joel Anthony Viado, nilagdaan na ng BI at ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang Joint Memorandum Circular No. 2024-001 na naglalaman ng proseso ng reimbursement.
Batay sa 2024 General Appropriations Act, ang mga pasaherong hindi pinayagang sumakay nang walang utos ng korte ay maaaring mabayaran gamit ang pondo mula sa isang special trust fund. Nilinaw ng BI na ang mga patakaran, na unang isinumite sa DBM, ay ibinalik noong nakaraang buwan na may rekomendasyon na isama ang COA bilang isa sa mga pipirma rito.
Kasama ang DBM at COA, tinatapos na ng BI ang dokumento, at kapag napirmahan, magsisimula na ang opisyal na proseso ng reimbursement para sa mga Pilipinong pasahero.
Nagsimula ang usapin ng reimbursement matapos mag-trend sa social media ang ilang kababayan natin ang na-missed o hindi na kasakay ng kanilang mga flight dahil sa proseso ng interrogation na isinasagawa ng mga kawani ng BI sa mga airport. | ulat ni EJ Lazaro