Nananatili pa rin sa evacuation centers ang nasa 2,875 na pamilya o 12,457 na indibidwal sa Marikina City.
Ito’y ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, kasunod ng pagbaba ng lebel ng tubig sa Marikina River matapos ang maghapong pag-ulan dala ng habagat at bagyong Enteng kahapon.
Batay sa ipinarating na ulat ni Mayor Teodoro sa Radyo Pilipinas, bumaba na rin sa 23 evacuation centers ang nakabukas ngayon mula sa naunang 30.
Mula kasi nang bumalik na sa normal level ang tubig sa Marikina River, nagsibalik na sa mga tahanan ang mga unang nagsilikas habang ang iba naman, nakikiramdam pa sa sitwasyon.
Sa sandaling umayos na ang panahon, sinabi ng LGU na babalik na rin sa tahanan ang mga lumikas para magsimulang linisin ang mga binaha nilang kabahayan.
Nananatiling walang pasok sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan, gayundin ang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan sa lungsod ngayong araw maliban na lamang sa mga tumutugon sa emergency. | ulat ni Jaymark Dagala