Inatasan na ni Department of Health (DOH) Sec. Ted Herbosa ang mga hospital directors ng mga pampublikong ospital na abisuhan ang mga doktor na nagtatrabaho doon na tanggapin ang guarantee letters na ipe-presinta ng mga pasyente.
Ito ang inihayag ng kalihim sa iterpelasyon ni Misamis Oriental Rep. Bambi Emano kung saan hiningi nito ang tulong ng ahensya kung paano ma resolba ang problema ng ilan sa kanilang mga constituent.
Aniya, hindi kasi tinatanggap ng mga doktor ang guarantee letter sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Individuals Program (MAIFIP).
Sabi ni Herbosa, kung gusto aniya ng mga doktor na mapanatili ang pribilehiyo ng private practice sa mga government hospital ay obligado silang tanggapin ang guarantee letters.
Para naman sa mga pribadong ospital, plano aniya nilang magkaroon ng accreditation system upang makabuo ng listahan ng mga physician o doktor na tumatanggap ng guarantee letters para sa MAIP.
Ito ay para kung sakaling ang doktor ng pasyente ay hindi tumatanggap ng GL ay maaari ito mairefer sa doktor na tumatanggap GL.
Sabi naman ni Usec. Emmie Liza Chiong na maaarign abutin ng tatlo hanggang anim na buwan ang kanilang pakikipag pulong sa mga pribadong ospital para maisapinal ang listahan. | ulat ni Kathleen Forbes