Lagpas sa ₱1.2-billion na halaga ng program, serbisyo, at tulong pinansyal ang hatid ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa Davao City ngayong araw hanggang bukas.
Nasa 38 ahensya ng pamahalaan ang makikibahagi na may dalang 57 programa at serbisyo at ₱1-bilyong cash assistance sa may 250,000 na benepisyaryo sa pagbabalik sa Davao Region ng pinakamalaking Serbisyo Caravan ng Marcos Jr. administration.
Inaasahan na dadaluhan ito ng nasa 190 na mambabatas sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez.
Naisakatuparan ito sa pagtutulungan ng BPSF National Secretariat at Mindanao Development Authority (MinDA).
Tatawagin naman ang Davao City BPSF bilang “MindaNOW: Serbisyo Para sa Mindanao.”
Ayon kay House Deputy Secretary General at BPSF National Secretariat lead Safonias Gabonada Jr. mahalagang katuwang nila ang Minda upang mas ma-maximize ang pagdadala ng BPSF sa Mindanao.
Malaki naman ang pasasalamat ni Sec. Leo Magno sa pagtugon ng BPSF sa hiling ng mga taga-Davao City na mabisita naman sila ng Serbisyo Caravan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes