Nakatutok na ang Department of Agriculture (DA) sa posibleng epekto ng mga pag-ulan sa sektor ng pagsasaka.
Batay sa pinakahuling pagtaya ng DA, maaaring maapektuhan ng bagyo ang higit dalawang milyong ektarya ng standing crops.
Nasa 1,663,371 ektarya rito ay tanim na palay kung saan 53% ang nasa seedling at vegetative stage habang 13% naman ang nasa maturity stage na.
Mayroon ding binabantayang 513,808 ektarya taniman ng mais kung saan 51% ang nasa reproductive stage habang 29% ang nasa maturity stage.
Una na ring inabisuhan ng DA ang mga magsasaka na anihin na ang kanilang mga pananim bago mapinsala ng naturang bagyo.
Pinapayuhan din ang mga mangingisda na iwasan nang pumalaot kung mapanganib.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang DA Regional Field Office sa mga rehiyong inaasahang daanan ng bagyo.
Nakahanda na rin ang mga intervention ng kagawaran kasama na ang mga binhi ng palay at mais, Survival and Recovery (SURE) Loan Program, at Quick Response Fund (QRF). | ulat ni Merry Ann Bastasa