Aabot na sa higit 28,000 tagas ng tubo ang nakumpuni ng West Zone concessionaire na Maynilad Water Services, Inc. (Maynilad) sa unang kalahati ng 2024.
Ayon sa Maynilad, katumbas ito ng tinatayang 198 MLD (million liters of water) kada araw na na-recover sa unang bahagi ng taon.
Sapat ito para matugunan ang pangangailangan ng 198,000 na customer.
Kaugnay nito, sinabi ng Maynilad na target nitong maayos ang nasa kabuuang 50,000 tagas ng tubo sa buong concession area nito sa loob ng taong ito.
Ang pagkukumpuni ng mga tagas sa distribution system ay bahagi ng Non-Revenue Water (NRW) Management Program ng Maynilad, na layong pababain ang pagkalugi sa tubig.
Sa taong ito, nasa ₱791-million ang inilaang pondo ng Maynilad para sa leakage control. | ulat ni Merry Ann Bastasa