Sinalihan ng mahigit sa 300 exhibitors ang isinasagawang Philippine Travel Mart ngayong araw sa SMX Convention Center kung saan tampok ang iba’t ibang travel packages, deals, at discounts para sa mga biyahero at turista na nais puntahan ang samu’t saring destinasyon sa loob at labas ng bansa.
Inorganisa ang nasabing kaganapan ngayong araw ng Philippine Tour Operators Association (PHILTOA) kung saan pinagsama-sama nito ang mga tour operators, airlines, hotels, resorts, at mga tourism officers mula sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas.
Dito pwedeng i-explore ng mga bisita ang mga travel deals para sa mga tourist destination na nais nilang puntahan, maliban pa ang mga madadatnan ng mga ito na makukulay na mga booth at pavilions, gayundin ang mga local performances.
May temang “Love the NextGen Tourism” ang Philippine Travel Mart ngayong taon kung saan sentro ang sustainability, digitalization, inclusivity, at wellness pagdating sa sektor ng turismo.
Maliban naman sa mga popular na mga destinasyon itinatampok din sa travel fair ang mga emerging destinations sa bansa gaya ng mga lalawigan sa bahagi ng Mindanao.
Tatakbo ang 35th Philippine Travel Mart sa SMX Convention Center sa Pasay City hanggang bukas, September 8.| ulat ni EJ Lazaro