Pansamantalang nananatili ngayon sa Diosdado Macapagal Elementary School sa Brgy. Tatalon, Quezon City ang nasa higit 500 pamilya o 2,248 indibidwal dahil sa mga pag-ulang dulot ng bagyong Enteng at habagat.
Karamihan sa mga inilikas dito ay nakatira sa mga lugar na kadalasang binabaha gaya ng Araneta, Victory Street, at Kaliraya.
Bukod sa DPMES, mayroon ding 120 pamilya o 566 na indibidwal ang nasa isa pang evacuation center sa Doña Josefa Jara High School.
Hindi naman na naging pahirapan ang pagpapalikas dahil sanay na rin ang mga residente dito.
Ayon kay Nanay Teresita, nadala na rin sila sa bagyong Carina kaya agad-agad nang lumilikas kapag malakas ang ulan.
Ilan sa evacuees ang nagpwesto ng mga modular tent sa covered court ng eskwelahan habang ang iba ay nasa mga classroom.
Kaninang alas-6 ng umaga, nabigyan na rin ng agahan ang mga evacuee.
Batay sa pinakahuling tala ng QC LGU, nasa higit 8,000 indibidwal ang kinailangang ilikas sa lungsod bunsod ng bagyong Enteng. | ulat ni Merry Ann Bastasa