Sinamsam ng mga kawani ng Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang kaakibat na ahensya ang aabot sa higit ₱3 milyon halaga ng mga gamit pangisda, isang bangka, at ilegal na mga huli, sa isang operasyong isinagawa nito sa Lamon Bay, malapit sa Balesin Island, Polillo, Quezon.
Target ng nasabing operasyon ang mga illegal, unreported, and unregulated (IUU) fishing activities sa karagatan sa lugar.
Kabilang sa mga nasamsam ay ang mga hindi rehistradong fishing vessel na gumagamit ng modified Danish seine nets, isang paraan sa paghuli ng isda na ipinagbabawal sa ilalim ng Philippine Fisheries Code.
Kasama rin sa mga nakuha ang 1,200 kilo ng sari-saring isda, na nagkakahalaga ng ₱216,000 na nahuli sa pamamagitan ng illegal na pamamaraan.
Dinala naman sa port of Polillo ang nahuling sasakyang pandagat habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga lumabag sa batas.
Binibigyang-diin naman ng operasyong ito ang pangako ng Coast Guard sa pangangalaga ng mga yamang dagat ng bansa. | ulat ni EJ Lazaro