Tiniyak ng House Committee on Agriculture and Food na binabantayan nila ang sitwasyon ng mga natenggang rice shipment sa pantalan dahil sa mga importer.
Ayon kay Quezon Representative Mark Enverga, chair ng komite, hinihimok nila ang Bureau of Customs (BOC) at Philippine Ports Authority (PPA) na magtakda ng deadline sa paglalabas ng naturang mga shipment at isapubliko ang listahan ng mga importer na responsable sa naturang delay.
Suportado rin ng komite ang imbestigasyon ng Department of Agriculture (DA) at BOC sa insidente.
Sinabi pa ni Enverga na kung kakitaan ng ‘bad faith’ at ipa-blacklist ang naturang mga importer at kumpiskahin ang kanilang mga kargamento.
“The committee is working closely with the DA to resolve this issue and implement measures to prevent it from recurring,” sabi ni Enverga.
Una nang sinabi ni Philippine Ports Authority General Manager Jay Santiago na bibigyan nila ng hanggang katapusan ng buwan ang mga consignee na mailabas ang mga nalalabing container sa pantalan bago ideklarang abandonado. | ulat ni Kathleen Jean Forbes