Dumepensa si House Committee on Appropriations Chair Elizaldy Co sa paratang na siya at si Speaker Martin Romualdez lang ang may hawak at kontrol sa budget ng pamahalaan.
Ayon kay Co, pambubudol at panlilihis lamang sa tunay na isyu ang pahayag na ito.
Giit niya, malabong sila lang ng House Speaker ang may kontrol sa budget.
Punto niya na ang panukalang pambansang pondo ay dadaan sa pagbusisi ng nasa higit isang daang miyembro ng appropriations committee, 56 na vice-chairs nito at nasa higit tatlong daang mambabatas ng Mababang Kapulungan.
Sasalang din aniya ito sa pagsusuri ng mga senador.
Bukod dito, dumadaan din ang budget sa bicameral conference committee na dinadaluhan ng nasa 30 mambabatas mula sa dalawang kapulungan.
“Napakalaking pambubudol, akala nila ang taumbayan hindi matalino, matalino po at sasagutin po natin yan.Unang-una po ang miyembro po ng Appropriations is around 139, ang Vice-chair po is around 56, ang Congressman po is 300, mayroon po tayong mga Senador na 24, mayroon pong miyembro ng Bi-cameral conference committee after the budget deliberation ng House and Senate, mayroon pa pong Bi-cam na mag-uusap ang dalawang- upper chamber and lower chamber almost 30 po ang nag-aattend diyan in public. So, hindi po totoo iyan” git ni Co.
Muli ring iginiit ng AKO Bicol party-list solon na karapatan ng Kongreso na busisiin ang budget ng lahat ng ahensya ng pamahalaan.
Wala rin aniya itong halong pulitika, taliwas sa ibinabatong paratang sa Kamara.
Paalala niya na kapag ang isang kongresista ay nagtatanong sa paggamit ng budget – siya’y nagtatanong hindi lang bilang isang indibidwal kundi bilang kinatawan ng mga Pilipinong bumoto sa kanila.
“Karapatan at trabaho ng Kongreso ang pagbusisi ng budget. Ang hindi niya pagsagot sa maaayos na tanong – at lalo pa ang hindi niya pagdalo sa hearing ngayon – ay nagpapakita ng kawalang ng respeto at paggalang sa mga kinatawan ng taumbayan, hindi lang po kongresista ang winalangya nya dito kung hindi ang sambayanang Pilipinas. Tinatakpan niya ang hindi pagsagot sa tanong sa pamamagitan ng pang-iinsulto sa mga Kongresista na ginagawa lang naman ang kanilang mga trabaho.“ sabi ni Co. | ulat ni Kathleen Forbes