Umapela si Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. kina Alice Guo at Cassandra Ong na isiwalat ang katotohanan at lahat ng kanilang nalalaman tungkol sa POGO para sa kapakanan ng bansa.
Giit ni Gonzales, sinasabi ni Guo at Ong na sila ay mga Pilipino, kaya’t lalong mahalaga na tumulong sila para masawata ang iligal na mga POGO na naglipana noong nakaraang administrasyon.
“Tayong mga Filipino, mahal natin ang ating bansa. Kung mga Filipino sila, dapat mahal din nila ang ating bayan,” sabi ni Gonzales.
Nakatakdang humarap sa Senado ngayong araw si Guo kasunod ng pagkakahuli sa Indonesia noong nakaraang linggo matapos tumakas at magtago.
Hindi naman makakadalo si Ong sa Senado dahil naospital matapos bumaba ang blood pressure sa kalagitnaan ng pagdinig ng Quad Committee ng Kamara.
Sinabi ni Gonzales, marahil may mabigat na pressure kay Ong mula sa mga nasa likod ng iligal na POGO kaya naging unstable ang kondisyon nito
Hindi rin aniya sasama ang pakiramdam ni Ong kung talagang nagsasabi siya ng totoo.
“A person who is telling the truth is usually relieved of pressure, stress and anxiety. The truth sets him or her free. This was not obviously the case with Miss Ong. She must be keeping a lot of things from us. Bakit magiging unstable ang blood pressure mo kung ikaw ay nagsasabi ng totoo?” ani Gonzales.
Inamin ni Ong sa nakaraang pagdinig na 58% ng shares ng Lucky South 99 sa Porac Pampanga ay kaniya, ngunit wala aniya siyang kinalaman sa operasyon nito.
Giit ni Gonzales, mahalaga ang testimonya ni Ong para makabawi ang Pampanga, na nabalot din ng isyu matapos masabat ang nasa ₱3.6 billion na halaga ng droga noong nakaraang taon.
“Kawawa ang probinsiya namin, a progressive growth area in Central Luzon. We should be able to recover from this mess but we should know what really happened with the cooperation of vital witnesses like Miss Ong,” sabi pa niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes