Binalaan ngayon ng isang mambabatas mula sa Young Guns bloc ng Kamara ang publiko na maging maingat sa mga tinatanggap na impormasyon lalo at inaasahan ang pagdagsa na naman ng misinformation at fake news sa social media.
Ayon kay House Deputy Majority Leader at PBA Party-list Representative Margarita “Atty. Migs” Nograles, nagsisimula na naman ang mga trolls sa pag-target ng mga nag-iimbestiga sa Quad Committee at House Committee on Good Government and Public Accountability.
Ang ginagawa aniya ngayon ay kumukuha ng mga ‘internet influencers’ para ipakalat ang misinformation at disinformation habang ang mga trolls naman ang magkokomento at sasabihing naniniwala sila dito upang mapalaganap at umingay sa social media.
Ginagawa aniya ito para siraan ang kredibilidad at mawalan ng tiwala sa mga opisyal na nais lang panagutin ang mga may sala.
“Huwag po tayong basta maniniwala sa mga nakikita natin online. Dapat natin alamin ang katotohanan at suriin nang mabuti ang mga impormasyon na ating natatanggap,” pahayag ng mambabatas.
Naniniwala si Nograles na bahagi ito ng mas malaking hakbang para ibaling ang atensyon sa totoong isyu.
Giit pa niya na dapat humarap at sagutin ng mga sangkot ang isyu sa tamang forum at hindi gamitin ang social media.
“If there are questions about irregularities and mismanagement of public funds, they should be answered in the proper forum, not on social media. We should not fall prey to propaganda and false information,” giit niya.
Paalala pa niya na hindi lang nito sinisira ang tiwala ng publiko ngunit pinapahina rin ang institusyong pang demokratiko ng bansa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes