House leader, nilinaw ang nangyaring agawan sa microphone sa plenaryo habang tinatalakay ang budget ng DOH

Facebook
Twitter
LinkedIn

Nagbigay paliwanag ngayon si House Deputy Majority Leader Janette Garin sa nangyaring tensyon sa plenaryo noong tinatalakay ang panukalang pondo ng Department of Health (DOH).

Ito’y matapos umani ng hating opinyon mula sa publiko ang insidente kung saan nagtaas siya ng boses habang inagawan naman ng mikropono ang isang mambabatas na miyembro ng minorya.

Giit ni Garin, natural nang nangyayari na maging emosyunal ang mga mambabatas lalo na kapag may magkakaibang pananaw higit lalo kapag panahon ng deliberasyon ng pambansang pondo.

Ngunit hindi aniya ito bastusan sa pagitan ng mga mambabatas, subalit paggiit lamang ng mga ideya at mungkahi ng magkabilang panig lalo na at may hinahabol na oras sa pinakahuling gabi ng sesyon.

Sabi pa ng Iloilo solon, bilang may maigting na pagnanais para mapagbuti ang health care system ng bansa, ayaw lang niyang masakripisyo at mabalam ang budget ng DOH.

“Tatlong araw nang pabalik-balik ang taga-DOH para maisaayos ang budget para sa kanilang mga programang maibigay ang maayos na serbisyo sa Filipino… kaya nang makita kong inagaw ng isang kongresista ang mikropono para sa kanyang paulit-ulit na pagtangkang mabalam ang proseso ay agaran kong sinuportahan ang mosyon ng minority na tapusin ang balitaktakan sa plenaryo,” saad pa ni Garin.

Laman ng naturang video ang pang aagaw ng mikropono ni Agri Party-list Rep. Wilbert Lee nang mag-mosyon si Senior Deputy Minority Leader Paul Daza para sana tapusin na ang pagtalakay sa pondo ng DOH.

Napataas naman ang boses ni Garin nang katigan ang mosyon ni Daza.

“Ang problema lang doon, ‘yung iba niyang hinihingi ay hindi kayang agad-agad…May mga proseso ‘yan, may mga papeles, may mga board resolutions na hindi kayang i-present within that day,” ayon pa kay Garin.

Nagkausap naman na aniya sila ni Lee at nagkaintindihan na walang personal sa nangyaring tensyon. | ulat ni Kathleen Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us