House QuadComm Chair, pinangalanan ang isa sa mga heneral na nagsalba sa buhay ni dating Mayor Mabilog

Facebook
Twitter
LinkedIn

Isiniwalat ni House Quad Committee Chair Benny Abante kung sino ang isa sa mga heneral na tumulong kay dating Iloilo Mayor Jed Patrick Mabilog para makaiwas sa kamatayan.

Matatandaan na sa pagharap ni Mabilog sa Quad Committee noong nakaraang linggo ay ibinahagi niya ang pinagdaanan matapos masangkot sa drug list ng nakaraang administrasyon, kasama na ang tangkang pagpatay sa kaniya.

Sa kaniyang testimoniya, kaniyang sinabi na habang siya ay nasa Japan, isang heneral ang tumawag sa kaniya at nagbabala na huwag uuwi ng Pilipinas dahil papatayin siya.

Hindi pinangalanan ni Mabilog ang naturang heneral ngunit isinulat sa papel para maipaalam sa mga tagapangulo ng komite.

Ani Abante, dahil sa pumanaw na rin naman ang naturang heneral ay papangalanan na niya ito.

Sa isang panayam tinukoy ni Abante si dating Police General Camilo Cascolan na siyang tumawag kay Mabilog para siya ay balaan.

“…Tinawagan siya ng general, na ang sabi huwag kang uuwi papatayin ka sa Pilipinas. Yun ang pinakinggan niya hindi niya masabi ang pangalan pero I think I am at liberty now to tell that, ito po si General Cascolan, namatay na po siya. Siya po ay naging director general din ng Philippine National Police. Ito ang tumawag sa kaniya upang sabihin sa kaniya, ‘wag kang uuwi ng Pilipinas,” pagbabahagi ni Abante.

Aminado naman ang mambabatas na nakakalungkot na pumanaw na si Cascolan dahil hindi na ito mapapatawag sa komite para susugan ang mga testimonya ni Mabilog.

Inaasahan na sa susunod na pagdinig ng QuadComm ay ipapatawag muli si Mabilog.

Pawang magiging paksa aniya ang iligal na droga at EJK. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us