Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kaligtasan ng mga naging biktima ng pang-aabuso ni Pastor Apollo Quiboloy.
Ito ang inihayag ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil makaraang ibunyag nito na marami pang mga kabataang babae at pamilya ng mga ito ang lumapit sa Pulisya para magbigay ng kanilang mga nalalaman laban sa Pastor.
Ani Marbil, matapang na humarap ang mga nabiktima ni Quiboloy at nagbigay ng mahahalagang impormasyon hinggil sa anila’y “systematic abuse.”
Sa isang pahayag, sinabi ni Marbil na kabilang sa mga lumapit sa kanilang mga tauhan sa kasagsagan ng operasyon ay ang mga tinatawag na “Pastorals” sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ilan sa mga ito ay bahagi aniya ng tinatawag na “Inner Circle” o grupo ng mga kabataang babae kung saan, pinakabata sa mga ito ay nasa edad 12-taong gulang at sinasabing nakaranas ng pang-aabusong sexual mula kay Quiboloy.
Giit ng PNP chief, hindi tumitigil ang kanilang hanay sa pangangalap ng mga impormasyon kasunod ng nagpapatuloy namang imbestigasyon.
Isinasailalim na ng PNP sa masusing validation ang mga ibinigay na impormasyon ng mga naturang biktima na siyang magpapatibay sa mga ligal na hakbang na kanilang gagawin laban sa Pastor. | ulat ni Jaymark Dagala