Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Undersecretary Gloria Balboa na mayroong panibagong kaso ng Mpox sa National Capital Region (NCR) na naitala ng ahensya nitong Lunes lamang.
Ito na ang ika-labing limang kaso na naitala simula Enero hanggang ngayon, kung saan lahat ay kumpirmadong tinamaan ng Mpox Clade II.
Hindi na nagbigay ng karagdagang detalye si Balboa patungkol sa bagong kaso dahil umano sa data privacy.
Nais naman ng DOH na palakasin pa ang information campaign at maglunsad ng town hall meetings patungkol dito sa tulong na rin ng mga lokal na pamahalaan.
Inihayag naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora, presidente ng Metro Manila Council, na magsasagawa ang mga lokal na pamahalaan sa Metro Manila ng malawakang information campaign laban sa mpox.
Kabilang sa mga impormasyong ibabahagi sa kampanyang ito ay ang mga dapat at hindi dapat gawin upang makaiwas sa nasabing virus.| ulat ni Diane Lear