Ipinapatupad sa ngayon ang pansamatalang rerouting at pagsasara ng ilang kalsada sa Lungsod ng Maynila kaugnay ng 2024 Bar Exams na magsisimula ngayong araw, September 8, at sa mga susunod pang mga araw.
Apektado ng nasabing road closure and rerouting ang area ng University of Santo Tomas kung saan simula ngayong araw, September 8 at 11, mula 2 AM hanggang 8 AM at 3 PM hanggang 7 PM, magkakaroon ng assisted traffic sa kahabaan ng España Boulevard para sa drop-off at pick-up. Sarado naman sa mga motorista ang Dapitan Street mula 2 AM hanggang 7 PM.
- Sa Setyembre 15, assisted traffic ang ipatutupad sa España mula 2 AM hanggang 8 AM, at isasara ang lahat ng westbound lane mula 3 PM hanggang 7 PM. Mananatiling sarado ang Dapitan Street mula 2 AM hanggang 7 PM.
Para sa San Beda area, ngayong Setyembre 8, 11, at 15, isasara ang Mendiola Street at Concepcion Aguila Street mula 2 AM hanggang 7 PM.
Pinapayuhan ang publiko na dumaan sa mga alternatibong ruta sa mga nasabing petsa upang maiwasan ang abala.
Ang University of Santo Tomas at San Beda University ay dalawa lamang sa anim na testing sites sa Metro Manila kung saan isasagawa ang isa sa itinuturing na pinakamahirap bar exam sa mundo.| ulat ni EJ Lazaro