Nagpatupad ng balasahan sa hanay ng mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP).
Itinalaga ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil si Police Brig. Gen. Nicolas Torre III bilang bagong hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Ito ang nakasaad sa General Orders mula sa Office of the Chief PNP epektibo ngayong araw, September 25.
Papalitan ni Torre si Police Maj. Gen. Leo Francisco na inilipat naman sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU).
Kasunod niyan, itinalaga namang kapalit ni Torre si Police Brig. Gen. Victor Rosete bilang Acting Director ng Police Regional Office 11 o Davao Regional PNP na binakante ni Torre.
Samantala, itinalaga rin ni Gen. Marbil si Police Brig. Gen. Christopher Birung sa PNP Academy buhat sa Police Regional Office 2 o Cagayan Valley PNP epektibo kahapon, September 24.
Habang papalitan naman siya ni Police Brig. Gen. Antonio Marallag Jr. na nagmula naman sa Headquarters Support Service (HSS).
Itinalaga rin ni Marbil si Police Brig. Gen. Jaysen de Guzman bilang Acting Regional Director ng Police Regional Office 10 o Northern Mindanao kapalit ni Police Brig. Gen. Ricardo Layug na nakatakda namang magretiro bukas, September 26. | ulat ni Jaymark Dagala