Nakatakdang maglunsad ng malawakang information drive ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang ipabatid sa publiko ang mga dapat malaman hinggil sa MPOX.
Ito ang inihayag ni MMDA Acting Chairman, Atty. Don Artes makaraang makipagpulong ang Metro Manila Council (MMC) sa Department of Health – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD).
Ilan sa mga ikinukonsidera ani Artes, ay ang mungkahi ni MMC President at San Juan City Mayor Francis Zamora na magsagawa ng isang town hall meeting kung saan, tatalakayin ang panganib na dulot ng MPOX at paano ito nakukuha.
Sa naturang pulong, tiniyak naman ni DOH Undersecretary Gloria Balboa na handa silang magbigay ng mga visual aid at educational material para makatulong sa pagbibigay ng tamang edukasyon hinggil sa naturang sakit.
Una nang ibinalita ng DOH na 11 mula sa kabuuang 15 kaso ng MPOX ay nagmula sa Metro Manila.
Subalit sinabi ni Balboa na hindi ito naka-aalarma at nananatiling managable ang sitwasyon. | ulat ni Jaymark Dagala