Pinagsusumikapan ng Department of Agriculture (DA) na masunod ang schedule nito sa pagmamahagi at pagtuturok ng ASF vaccines para sa mga alagang baboy sa Pilipinas.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ngayong buwan ng Setyembre, tatapusin nila ang pagtuturok ng inisyal na 10,000 bakuna.
“Ang napakaimportante na ma-rollout talaga natin iyong ASF vaccine lalo na sa mga backyard farmer, livestock growers natin, dahil this will—kapag may confidence na ang mga magbabababoy sa vaccine na ito, then they will start investing again in farms, pati iyong mga commercials natin at magri-repopulate.” —Sec. Laurel
Ang susunod na 450,000 doses, ibababa sa pipiliing LGU sa Oktubre. Habang tatapusin ang procurement para sa karagdagang 600,000 ASF vaccines sa pagtatapos ng taong ito.
Ayon sa opisyal, target nila na pagpasok ng 2025, nakatutok na ang livestock growers sa repopulation ng kanilang mga alagang baboy, upang lumago nang muli ang linyang ito ng agrikultura sa bansa.
“Hopefully, everything will be implemented on schedule and sana next year, puro repopulating na lang tayo at tuluy-tuloy na iyong paglaki, babalik iyong population ng ating baboy to about 14 million heads; ngayon nasa 7.5 million heads lang ang baboy na estimate natin. So, iyon.” —Sec Laurel. | ulat ni Racquel Bayan