Nasita ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang certificate of live birth ni Cassandra Li Ong, ang business associate nina dating Mayor Alice Guo at sinasabing kasintahan ng kapatid ng dating alkalde na si Wesley Guo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, sinabi ni Estrada na kwestiyunable ang mga detalye sa certificate of live birth ni Ong.
Naparehistro ang COLB ni Ong sa pamamagitan ng late registration of birth process dahil sinasabing pinanganak ito sa pamamagitan ng hilot.
Pinunto ni Estrada na ang address na nakalagay sa COLB ni Ong ay 345 P. Mendoza St, San Juan City.
Pero batay sa checking ng mambabatas, na dati nang naging alkalde ng San Juan, walang ganitong address at house number sa San Juan.
Pinagtanong tanong rin ng senador kung may nakakakilala sa sinasabing hilot na nagpaanak kay Cassie na si Rosario Mendez, pero walang nakakakilala dito sa kanilang lugar.
Dinagdag rin ni Estrada na wala sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang record of marriage ng mga magulang ni Cassie Ong.
Base kasi sa COLB nito, kinasal ang kanyang mga magulang noong December 13, 1998 sa Manila City Hall.
Kaugnay nito, pinapa-check ng mga senador sa PSA ang regularity o irregularity ng birth certificate ni Ong.
Sinabi naman ng PSA na ongoing na ang fact-finding investigation nila sa local civil registrar’s office ng San Juan City kaugnay nito.| ulat ni Nimfa Asuncion