Hindi isinasantabi ni Senador Sherwin Gatchalian ang posibilidad na konektado sa Chinese Triad ang itinuturing na boss ng mga POGO na si Huang Zhiyang.
Si Huang ang isa sa mga kasosyo ni dating Mayor Alice Guo at sinasabing tumulong sa kanya na makatakas at makalabas ng Pilipinas.
Ayon kay Gatchalian, bagamat hindi pa verified ang mga impormasyong nakararating sa kanila, hindi malabong may koneksyon sa Chinese Triad si Huang lalo’t kasama ito sa isang money-laundering organized crime syndicate at mayroon itong limang passport na hawak kaya malayang nakakatawid sa iba’t ibang mga bansa.
Kasama rin aniya si Huang sa mga pangunahing akusado sa kaso ng operasyon ng mga POGO sa bansa lalo’t nakita ang pangalan nito sa mga dokumento ng POGO hub sa Sun Valley sa Clark, Pampanga; at sa Baofu compound sa Bamban, Tarlac.
Kaugnay nito, pinamamadali na ng senador ang paghahain ng kaso laban kay Huang para maisyuhan na ito agad ng Warrant of Arrest nang maalerto na ng mga law enforcement agencies ang interpol at nang sa gayon ay malimitahan na ang galaw nito at tuluyan nang madakip ng mga awtoridad.
Base sa huling impormasyon ni Gatchalian, nasa HongKong na ito ngayon mula sa Taiwan. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion