Ibinahagi ng law enforcement agencies ng bansa na bineripika na nila ang iba’t ibang mga impormasyong umaabot sa intelligence community tungkol sa mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa POGO at tumulong kina dating Mayor Alice Guo na makalabas ng Pilipinas.
Ito ay sa pag-uusisa ni Senate Committee on Women chairperson Senadora Risa Hontiveros tungkol sa kung ano na ang latest sa sinasabing P200 million na ibinayad na suhol nina Guo para makalabas ng bansa.
Sa pagdinig ng Senado ngayong araw, sinabi ni retired General Raul Villanueva, Senior Vice President ng Security and Monitoring Cluster ng PAGCOR, na kabilang sa mga impormasyong nakarating sa kanila ay ang pagkakasangkot ng isang dating PNP chief na dati nang nasa monthly payroll ng mga POGO.
May pinag-uusapan rin aniya sa border immigration at mga PNP personalities.
Sinabi rin ni Villanueva na hindi pa rin nila alam kung ano ang eksaktong halaga ng suhol na natanggap ng mga ito at kinukumpirma pa nila ang mga impormasyong ito.
Sa parte naman ng PNP, sinabi Police Brig. Gen. Raul Tacaca na wala pa silang naririnig na ganitong intel report.
Ayon kay Tacaca, tuloy tuloy ang knailang koordinasyon sa ibang mga ahensya ng gobyerno at sasampahan nila ang kaso kung may ebidensya sa mga PNP personalities na masasabit sa kaso ni Guo.
Samantala, sinabi naman ng Bureau of Immigration na sisikapin nilang matapos sa susunod na mga araw ang imbestigasyon kung may sangkot na Bi officials aa pagtakas nina Guo. | ulat ni Nimfa Asuncion