Binigyang diin ngayon ni House Committee on Appropriations Chair Elizaldy Co na kailangang magpatupad ng strategic na reporma at dagdag na suporta para sa sektor ng edukasyon.
Diin ng tagapangulo ng komite, nakakabahala na napag-iiwanan ang mga mag-aaral ng bansa pagdating sa global standard sa science at math.
Kaya naman magsilbi aniya itong wake-up call para umaksyon na.
Sabi pa niya hindi lang basta pagtuturo ang sakop ng edukasyon ngunit pagbibigay inspirasyon.
“These results are a wake-up call. We cannot afford to let our students fall further behind. We must act now to address these learning gaps and provide our children with the education they deserve. The education system is in urgent need of strategic calibration,” ani Co.
Ayon naman kay DepEd Sec. Sonny Angara, mula sa orihinal na P976 billion na hiniling na budget para sa 2025, P790 billion mahigit lang ang naisama sa NEP o katumbas ng P36,612 kada DepEd learner.
Inilatag naman ni Angara ang ilan sa mga kakulangan sa sektor ng edukasyon.
Bahagi nito ang 159,202 na mga classroom, koneksyon ng kuryente sa may 2,001 na paaralan, at 18,325 na ekuwelahan na wala pang internet.
Kailangan din aniya na punan ang nasa 56,050 na teaching personnel at 20,668 non-teaching personnel. | ulat ni Kathleen Forbes