Tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang kaligtasan ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa loob ng selda na kinalalagyan nito sa Pasig City Jail Female Dormitory.
Ito’y ayon kay BJMP Spokesperson, JSupt. Jayrex Bustinera ay sa kabila ng hirit ng kampo ni Guo na may security risk umano ito kaya’t dapat manatili sa kustodiya ng PNP.
Pero ayon kay Bustinera, wala silang natatanggap na may security risk si Guo pero hindi sila magpapaka-kampante at kanila pa ring ikinukonsidera ang sinasabing death threats nito.
Gayunman, kanyang tiniyak na walang dapat ipangamba si Guo dahil nakapagsagawa naman sila ng background check sa mga kasama sa selda nito.
80 porsyento sa mga kasama sa selda ni Guo ay may kinahaharap na kasong may kinalaman sa iligal na droga habang 20 porsyento naman ay mga nasangkot sa ‘crimes against properties’.
Nabatid na kasama ni Guo sa cell number 3 ang 43 na iba pang PDL na ideal lang sana para sa 9siyam na PDL habang limang PDL naman ang katabi sa higaan ni Guo kagabi sa pinagdikit-dikit na triple deck. | ulat ni Jaymark Dagala