Maghihintay ang Kamara hanggang sa humarap ang mga opisyal ng Office of the Vice President sa isinasagawang plenary deliberations ngayong araw.
Ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan, dapat ay kaninang alas-10 ng umaga sumalang ang pagtalakay sa panukalang pondo ng OVP para sa taong 2025.
Pero hindi dumating ang bise presidente.
At bagamat mayroong ipinadalang kinatawan, hindi ito authorized representative at wala ring malinaw at katanggap-tanggap na dahilan sa kung bakit hindi makaharap ang mga opisyal ng OVP.
Dahil dito, inuna muna isalang ang ibang mga ahensya.
“May nabasa po akong report na noong weekend, nasa Calaguas Island, sa Camarines Norte. Pero weekend naman ‘yun. At ang importante ngayong araw, napakahalaga po ang budget hearing dahil ito po yung pinakamalaking piece of legislation na lahat naman po tayo busy at sa aking experience bilang mambabatas pag-budget hearing po, lahat ng heads of offices ay nag-attend. Kaya naman po ay nagtatanong pa rin kami, nasaan ang ating vice president? Kasi kanina naka-schedule kami sa 10 o’clock at walang magandang explanation. Hanggang ngayon ay hinihintay po namin sa araw na ito at sana po ay magkaroon tayo ng pagkakataon talakayin ang kanyang budget,” sabi ni Libanan.
Aminado si Libanan na unusual na hindi humarap ang matataas na opisyal ng OVP sa budget hearing.
Sabi ni Libanan, kung patuloy na hindi siya dumalo sa mga plenary deliberation ay ide-defer ang budget hanggang sa umabot sa September 25 na siyang target date para ito ay pagtibayin.
“’Pag hindi nag-attend ito ay idi-defer lang ito hanggang sa 25. Yung 25 ang end of budget hearing natin, ma-terminate na ang period ng interpellation and debate. At ‘pag na-terminate na ‘yan, siyempre magkakaroon ng proposal ang majority kung anong gagawin sa budget, napaka unusual po ito, sana may magandang explanation siya at valid explanation dahil hindi pa po ito nangyayari, ngayon pa lang ito mangyayari sa ating budget hearing,” saad pa ni Libanan.
Matatandaan na mula sa orihinal na rekomendasyon sa ilalim ng National Expenditure Program na P2.026 billion ay ibinaba ng House Committee on Appropriations ang panukalang pondo ng OVP sa P733.198 million.
Ang binawas naman na P1.293 billion ay inilipat sa MAIFIP ng Department of Health at AICS ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Paalala pa ng minority leader na bahagi na ng tradisyon at alituntunin ng Kongreso na tuwing budget hearing ay kailangan ang presensya ng pinuno ng ahensya.
Giit pa niya na kung hindi matatanong ang pinuno ng ahensya ay nawawalan ng okasyon at pagkakataon ang taumbayan na marinig nila ang programa na paggugugulan ng budget. | ulat ni Kathleen Forbes