Sa unang linggo ng pagsalang sa plenaryo ng panukalang P6.352-T 2025 national budget, ay aabot na sa labing siyam na ahensya ang natalakay at lumusot.
Maliban pa ito sa iba pang government offices at state universities and colleges.
Dahil naman dito, kumpiyansa ang liderato ng kamara na mapagtitibay nila ang 2025 GAB on time sa target schedule na September 25.
Ayon Kay House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” Dalipe, inaasahan na nilang sesertipikahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 2025 GAB bilang urgent upang agad din nilang mapagtibay ito sa ikalawa at ikatlong pagbasa.
Pagbibigay diin naman ni Speaker Martin Romualdez na mahalaga na maipasa ng Kamara on time ang panukalang budget upang mabigyan din aniya ng sapat na panahon ang Senado na mabusisi ang GAB.
Sabi pa niya, ang pagtalakay sa pambansang pondo ay mabilis ngunit hindi isinasantabi ang pagiging bukas at hayag nito
“We have sufficient time to finally agree on the budget before yearend. It is the most important piece of legislation Congress passes every year. Next year’s spending legislation will serve as our tool for sustained economic development. It will support the Agenda for Prosperity programs of President Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr.,” sabi ni Romualdez.
Ngayong araw, nakatakdang sumalang sa plenaryo ang panukalang pondo ng Office of the Vice President, Department of Agriculture, National Irrigation Authority, DOH, DOE at ilan pang executive offices.
Bukas naman naka-schedule humarap sa plenary deliberation ang Office of the President. | ulat ni Kathleen Forbes