Sa Setyembre 25 target pagtibayin ng Kamara ang House Bill 10800 o ang P6.352-T 2025 General Appropriations Bill.
Ayon kay House Committee Senior vice chair Stella Quimbo, sa Lunes ay uumpisahan na ang pagtalakay sa panukalang pambansang pondo sa plenaryo.
Asahan na rin aniya ang marathon hearings na sisimulan ng 10 AM hanggang sa matapos ang ahensyang nakasalang
At kung wala aniyang ibang malaking kaganapan na makaka antala, ay kumpiyansa sila na pagsapit ng September 25 ay maaaprubahan na ito sa ikatlo at huling pagbasa.
“Confident tayo na matatapos sa September 25 and yes marathon. Araw-araw mag-uumpisa na tayo [ng 10 AM] tuloy-tuloy ‘yan hanggat hindi natin matapos ang naka-schedule na agencies for that day. Ang ma-expect natin would be debates but this time hindi magsasalita mismo ang mga ahensya. So ang pwede lang talaga magsalita would be the congressman and congresswomen (sponsoring the agency budget). So, debate po siya between members of the House,” sabi ni Quimbo
Binigyang diin naman ni Quimbo na mahalaga pa rin ang presensya ng mga pinuno ng ahensya upang matulungan ang budget sponsor na maipagtanggol at depensahan ang hinihinging pondo.
“As you know pagdating sa plenary debates ang kaibahan lang naman po doon sa committee hearing is hindi sila pwede mismo ang magsalita sa mikropono.Sila po ay merong spokesperson, isa rin ang congressman. Pero sa totoo lang po lahat ng mga sagot, halos lahat naman po ay talagang binubulong lang naman talaga ng ahensya doon sa congressman. So this is a good opportunity for them.” giit ni Quimbo
Paalala ng Marikina solon, minsan lang naman humarap ang mga heads of agency sa plenaryo kada taon.
Inihalintulad pa ng lady solon ang nga ahensya na humihingi ng budget sa mga anak na humihingi ng pambaon sa magulang kaya mahalaga na sila mismo ang humarap.
“So it’s a tradition and it has always been honored by the agencies and for obvious reasons. Kasi once a year lang naman po ang kanilang punta dito and number two, sila po ay humihingi po ng budget. So parang pag humihingi tayo ng baon sa ating mga magulang, kailangan naman ng presensya minimum. So tingin ko we don’t even have to explain that. I think it’s a reasonable ask.” Sabi pa niya. | ulat ni Kathleen Forbes