Umaasa si House Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez na tulad ng sa Senado ay pagbibigyan din ng Korte ng Tarlac ang magiging hiling ng Kamara na maimbitahan si Alice Guo sa ginagawang imbestigasyon ng Quad Committee ukol sa iligal na operasyon ng mga POGO sa bansa.
Sa ambush interview kay Suarez, sinabi niya na posibleng ipatawag nila si Guo sa susunod na QuadCom hearing na nakatakda sa Sept. 12, Huwebes.
Punto ng mambabatas, maraming impormasyon at nalalaman si Guo na maaaring makatulong sa ginagawa nilang imbestigasyon hindi lang sa operasyon ng POGO sa Tarlac, ngunit sa buong bansa.
“So malaking bagay na nakauwi si Alice Guo. Pinasasalamatan po natin ang ating Pangulong Bongbong Marcos dahil through his initiative mabilis natin iuwi si Alice Guo. Marami siya dapat sagutin na tanong dahil sa usapin ng POGO isa siya sa lumilitaw na primary resource person that can further shed light into how the POGO operations operated not only in Bamban Tarlac but all over the country.” Ani Suarez
Batay sa commitment order na inilabas ng Regional Trial Court ng Tarlac Branch 109, mananatili si Guo sa ilalim ng pangangalaga ng PNP Custodial Center.
Una naman ang pinagbigyan ng RTC ang request ng Senado na mapadalo si Guo sa kanilang pagdinig sa Sept. 9.
“I hope that the regional trial court will provide the same courtesy similar to what they have given to the Senate once the invitation to Alice Guo has been received by the RTC.” sabi pa ni Suarez. | ulat ni Kathleen Forbes