Sa botong 285 na pabor ay pinagtibay ng Kamara ang ₱6.352 trillion na panukalang pambansang budget para sa taong 2025.
Ayon kay House Appropriations Committee Chairperson at Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, kahit may mga ahensya umanong hindi nakipagtulungan sa budget process, ay may sapat na pondo pa rin ito para magampanan ng tanggapan ang kanilang mandato.
Binuo aniya nila ang budget na ito kung saan ang bawat pisong buwis ng mamamayan ay may tamang kapalit na serbisyo at programang pakikinabangan nila.
Aniya, susuportahan ng 2025 budget ang mga hangarin ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa bansa partikular ang mga legacy projects.
Kaya naman babantayan aniya ng Kongreso ang paggastos sa naturang budget nang tama at may pananagutan.
“Sa pamamagitan ng budget na ito, binibigyan natin ng sapat na resources ang Pangulo para maisakatuparan ang kanyang mga plano para sa ating bansa. Layunin nito ang pag-angat ng kabuhayan ng bawat Pilipino at pagpapaunlad sa serbisyo publiko,” sabi ni Co.
Ipinagmalaki rin ng Bicolano solon na naipasa nila ang budget on time, hindi lang para matugunan ang deadlines, kundi para patunayan ang dedikasyon na maglingkod para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Maaari na ngayong maiakyat sa Senado ang naaprubahang panukalang pondo para lalo pang mabusisi at matalakay. | ulat ni Kathleen Jean Forbes