Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit at ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nasa halos ₱200 milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo.
Ito’y sa magkasunod na operasyong ikinasa ng mga awtoridad sa mga Lungsod ng Quezon at Caloocan kamakailan.
Ayon kay CIDG Director, PMGen. Leo Francisco, ginawa ang naturang hakbang alinsunod sa atas ni PNP Chief, PGen. Rommel Francisco Marbil na paigtingin ang kampaniya laban sa smuggling at illegal trading.
Unang isinagawa ang operasyon sa Quezon City nitong September 12 kung saan, aabot sa 1.7 milyong pakete ng iba’t ibang brand ng sigarilyo ang kanilang nasamsam na nagkakahalaga ng ₱184-million.
Nagresulta ito sa pagkakaaresto ng isang Chinese national at dalawang Pilipino na sangkot sa iligal na operasyon.
Habang nasa 170 kahon naman ng mga puslit ding sigarilyo ang nasabat sa ikinasang operasyon sa Caloocan City na tinatayang nagkakahalaga ng ₱12.7 million.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng BIR ang mga nakumpiskang kontrabando habang hawak naman ng CIDG ang mga naaresto na ipinagharap ng patong-patong na reklamo. | ulat ni Jaymark Dagala