Ipinag-utos na ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil sa PNP Criminal Investigation and Detection Group ang muling pagbukas ng imbestigasyon sa pagpatay kay Retired Police General at PCSO Board Secretary Wesley Barayuga.
Kasunod ito ng paglutang ng testimoniya na nag-uugnay sa isang mataas na opisyal sa nangyaring pagpatay noong 2019.
Sa isinagawang Quad Committee hearing noong Setyembre 27, binanggit ni Pol/Lt. Col. Santie Mendoza na inatasan siya ni NAPOLCOM Commissioner Edilberto Leonardo at dating PCSO General Manager Royina Garma na may operasyon laban kay Barayuga.
Si Garma umano ang tagapagbigay ng impormasyon para sa operasyon kung saan iniuugnay sa isang high value individual na may kinalaman sa ilegal na droga.
Ang ganitong rebelasyon ayon kay General Marbil ay nangangailangan ng malalimang imbestigasyon hanggang makamit ang hustisya ng naulilang pamilya. | ulat ni Rey Ferrer