Alinsunod sa mga adhikain ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., itatayo ng pinagsanib na pwersa ng ilang ahensya at lokal na pamahalaan sa southern part ng Metro Manila ang kauna-unahang permanent Kadiwa center.
Ayon kay Parañaque Representative Edwin Olivarez, ang nasabing Kadiwa center ay magiging bahagi ng bagong Baclaran Market at itatayo sa pagitan ng Roxas Blvd. at Macapagal Blvd. sa boundary ng Pasay at Parañaque.
Ito aniya ay naging posible dahil na rin sa koordinasyon sa Philippine Reclamation Authority, Metropolitan Manila Development Authority at maging sa Pasay Local Government Unit (LGU).
Paliwanag ni Olivarez, ang nasabing kadiwa center ay magiging bagsakan ng agri products mula sa iba’t ibang probinsya na inaasahang pakikinabangan ng publiko, kung saan alinsunod naman sa Bagong Pilipinas vision ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Pinasalamatan din ni Oliva partikular si Chairperson Alex Lopez, dahil sa pagpapagamit ng resources nito para sa katuparan ng nasabing proyekto gayundin si MMDA Acting Chairperson Romando S. Artes sa maayos na koordinasyon.
Inaasahang magsisimula ang konstruksyon ng bagong Baclaran Market sa susunod na taon, at inaasahang matatapos sa loob ng dalawang taon o bago ang 2028. | ulat ni Lorenz Tanjoco