Pinapa-subpoena ng Senate Committee on Women ang kinakasama ni Sual, Pangasinan Mayor Liseldo ‘Dong’ Calugay na sinasabi ring nangangasiwa sa mga negosyo ng alkalde.
Hindi naman pinangalanan sa public hearing ang kinakasama ni Calugay.
Pinapa-subpoena rin ng Senate panel ang lahat ng mga dokumento kaugnay ng ginawang pagbebenta ng Happy Penguin Resort na pagmamay-ari ng Sual mayor.
Hinihinala kasing dito sa naturang resort na ito nagtago si Guo nang pinaghahanap ito ng mga awtoridad bago ito tumakas papalabas ng Pilipinas.
Kinukwestiyon rin ng mga senador ang timing ng pagbebenta resort na ito dahil napag-alamang nitong July lang ito binenta kung kailan putok na putok na ang mga isyu laban kay Guo.
Tila bagsak-presyo na lang rin itong binenta ni Calugay.
Sinabi kasi ng alkalde na P1.2 million niya nabenta sa isang Veronica Soriano ang 4,000 square meters na ari-arian.
Kung susumahin, lalabas na nasa 300 pesos per square meter lang ang benta sa resort.| ulat ni Nimfa Asuncion