Kasalukuyang nasa iba’t ibang lugar sa asya ang mga sinasabing ‘boss’ ng mga POGO at ang mga tumulong kay dating Mayor Alice Guo na makalabas ng Pilipinas.
Sa pagdinig ng Senado, kinumpirma ni PAOCC chief Undersecretary Gilbert Cruz na si Huang Zhiyang – ang itinuturong ‘boss of all bosses’ ng mga POGO, ay nasa Hong Kong na ngayon.
Tinanong naman ni Senadora Risa Hontiveros kung posible bang nagkita na rin sina Huang at Wesley Guo, na una nang napabalitang nasa Hong Kong na rin.
Ayon kay Cruz, bineberipika pa nila kung nag-link up na muli itong sina Huang at Wesley.
Samantala, binahagi ng opisyal na si Duanren Wu – ang top executive ng Whirlwind Corporation o ang may-ari ng lupang pinagtayuan ng Porac POGO hub – ay nasa Indonesia naman ngayon.
Habang si Zhang Jie, na dating presidente ng Lucky South 99 at siyang nag-book ng mga hotel ni Alice Guo sa labas ng bansa -ay napag alaman namang nasa Singapore na ngayon.
Sinabi rin ni Cruz na sa inaasahan nilang sa katapusan ng Oktubre ay matatapos na nila ang paghahain ng kaso sa mga sangkot sa Bamban, Tarlac POGO hub samantalang hindi pa sila makapagbigay ng timeline sa kasong may kaugnayan sa Porac POGO hub dahil kakasimula pa lang nilang maghain ng kaso sa mga dawit dito. | ulat ni Nimfa Asuncion