Kumpiyansa ang Manila Water na mababawasan na ang pagdepende sa suplay ng tubig sa Angat Dam sa sandaling matapos na ang East Bay Phase 2 (PH 2) Submarine Transmission Pipeline Project nito.
Ayon sa water company, ang proyekto ay pinasimulan noong Hulyo 23 na layong palakasin ang distribusyon ng tubig sa East Region.
Nasa 24% nang kumpleto ang konstruksyon ng Central Bay, habang nasa 44% namang tapos ang West Bay Project.
Ang Central Bay at ang West Bay ay dalawang proyekto na binubuo ng submarine transmission lines, mga mahahalagang bahagi ng East Bay PH 2 Water Treatment Plant.
Ang Central Bay Project ay maglalagay ng steel pipeline na tatawid sa Central Bay ng Laguna Lake mula Jalajala hanggang Binangonan sa Rizal.
Habang ang West Bay Project, ay may ilalatag ding steel pipeline mula sa West Bay ng Laguna Lake sa Binangonan hanggang sa onshore point sa Taguig.
Kabuuang P7.84 bilyon ang pondong inilaan ng Manila Water sa proyekto. Inaasahang makapaghatid ito ng maiinom na tubig sa tinatayang dalawang milyong populasyon sa Pasig, Pateros, Taguig, at mga kalapit na bayan sa ikatlong quarter ng 2025. | ulat ni Rey Ferrer