Nagkasundo ang Pilipinas at Poland na palawakin ang kooperasyong pandepensa alinsunod sa 2013 Memorandum of Understanding on the Development of bilateral relations on Defense.
Ito ang napagkasunduan ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro at Polish Foreign Minister Radosław Sikorski sa pagpupulong ng dalawang opisyal sa DND Headquarters, noong Miyerkules.
Sa pagpupulong ng dalawang opisyal, tinukoy ni Sec. Teodoro ang nagkakaisang paninindigan ng Pilipinas at Poland na itaguyod ang rules-based international order, kasunod ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatikong relasyon ng dalawang bansa noong 2023.
Binigyang diin naman ni Minister Sikorski ang pagnanais ng Poland, na isulong ang kooperasyon sa mga “like-minded countries” sa larangang pandepensa.
Kasunod ng delivery ng Poland ng unang batch ng Sikorsky Black Hawk combat utility helicopters sa Philippine Air Force, pinag-usapan din ng dalawang opisyal ang iba pang posibleng larangan ng kooperasyon ng dalawang bansa. | ulat ni Leo Sarne