Posibleng sa Lunes na mailipat ng kustodiya sa Pasig City Jail Female Dormitory si dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo.
Sa kanyang text message, sinabi ni Philippine National Police (PNP) PIO Chief Colonel Jean Fajardo, kailangan munang maibalik ng PNP ang kopya ng Warrant of Arrest na inisyu ng Pasig City Regional Trial Court kaugnay sa kanyang kasong qualified human trafficking.
Bago mailipat ng kustodiya ang dating Alkalde mula sa PNP Custodial Center sa Kampo Krame.
Hindi ito magawa ngayon ng PNP dahil walang pasok ang korte kapag weekends.
Bukod dito, kailangan ding maisumite ang resulta ng medical examination ni Guo.
Nauna nang sinabi ni BJMP Spokesperson Colonel Jayrex Bustinera na hindi nila nagawa ang paglipat kahapon kay Guo sa Pasig City Jail dahil kinapos sila ng oras.| ulat ni Rey Ferrer