Opisyal nang sinimulan ng Lakas-CMD ang paghahanda para sa 2025 mid-term elections.
Kasabay ito ng isinagawang general assembly ng partido sa pangunguna mismo ni Speaker Martin Romualdez, Party President.
Sa pagharap niya sa mga kapartido, sinabi ni Romualdez na makikiisa ang Lakas-CMD sa pinatatag na admin alliance.
Saad pa niya, na hindi lang sila magpapatakbo ng kandidato ngunit magsisilbing tagasuporta sa isinusulong na mga polisiya at reporma ng administrasyong Marcos na makakabenepisyo sa lahat ng Pilipino bilang pakikiisa Bagong Pilipinas.
Ang Lakas-CMD ang pinakamalaking partido politikal na may 4,000 miyembro na binubuo ng 106 na mambabatas, 15 governor, 15 vice governor, 124 na provincial board members, 18 city mayors, 19 city vice mayors, 105 city councilors, 332 town mayors, 199 municipal vice mayors, at 1,294 municipal councilors.
Kasabay nito ay pinagtibay din ng partido ang tatlong resolusyon.
Una ang Resolution No. 1 na magtatalga ng regional chairpersons ng Partido; Resolution No. 2 na magbibigay otorisasyon kay Agusan del Norte Rep. Jose Aquino ll, Party Secretary General na isumite sa COMELEC ang listahan ng mga signatories at kanilang specimen signatures sa pagnominate ng mga kandidato sa susunod na halalan; at ang Resolution No. 3 na nominasyon para kay Sen. Bong Revilla bilang senatorial candidate ng partido sa 2025 midterm elections. | ulat ni Kathleen Forbes