Pinapurihan ng liderato ng Kamara ang pagiging ganap na batas ng Republic Act 12021 o Magna Carta of Filipino Seafarers.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, na sumaksi sa paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa batas, titiyakin ng makasaysayang lehislasyon na ito ang karapatan at kapakanan ng mga Pilipinong marino, lalo na ang kasiguruhan ng kanilang empleyo.
Sa paraang ito ay makakasabay na rin aniya ang Pilipinas sa kasalukuyang regulasyon sa nagbabagong pandaigdigang pamantayan.
“This historic piece of legislation will ensure the protection and continuous employment of our Filipino sailors, most of whom are employed by foreign shipping companies. They will be able to continue to support their families back home. With this measure, we hope we can remain to be the largest supplier of seafarers in the world,” sabi niya.
Nakapaloob sa Magna Carta of Filipino Seafarers ang mga karapatan at responsibilidad ng mga Pilipinong marino, kanilang kwalipikasyon, terms of employment, benepisyo, edukasyon at kinakailangang pagsasanay.
Kasama rin dito ang probisyon na po-protekta sa mga babaeng marino mula sa diskriminasyon.
Napapanahon din aniya ang pagkakalagda ng batas dahil nataon ito sa selebreasyon ng Maritime Day 2024 sa Huwebes.
Tiwala naman si House Committee on Overseas Workers Affairs Chair Jude Acidre na matagumpay na matutugunan ng batas ang mga isyu ng foreign employers pagdating sa edukasyon, pagsasanay at competency ng Filipino seafarers.
“We hope our sailors will not face the same threats of being blacklisted made in the past by some shipping companies in Europe due to these concerns. Our law conforms with international legislation and standards, which means that foreign companies will mostly likely continue employing our sailors,” ani Acidre.
Tagumpay ding maituturing ni OFW party-list Rep. Marissa Magsino ang pagkakalagda sa batas na isa aniya sa mga unang panukala na kaniyang inihain at isinulong.
Giit niya pa na ang batas ay pagpapakita ng commitment ng Pilipinas bilang signatory sa Maritime Labor Convention at Convention on the Standards of Training, Certification, and Watchkeeping (STCW) for Seafarers.
Paalala ni Magsino, ang mga Pilipinong marino ang nangungunang global worker.
Katunayan sa 2021 BIMCO/ICS Seafarer Workforce Report, ang Pilipinas ang pinakamalaking supplier ng officer at rating na sinundan ng Russian Federation, Indonesia, China, at India.
“Ang tagal nang isinusulong na magkaroon ng Magna Carta of Filipino Seafarers. This measure has been discussed then put off, brought back to life then shelved again for the past decades. But finally, Congress has passed the Magna Carta of Filipino seafarers, giving them the recognition and protection they rightly deserve. At ako’y lubos na natutuwa na kabahagi ang OFW party-list sa makasaysayang batas na ito,” sabi ni Magsino | ulat ni Kathleen Forbes