Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nakahanda itong tumugon sa nakakasang transport strike ng grupong MANIBELA at PISTON simula ngayong Lunes, September 23 hanggang sa Martes, September 24.
Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, nakipag-ugnayan na sila sa mga ahensya ng pamahalaan at maging sa mga LGU para masigurong maaalalayan ang mga commuter.
Magde-deploy rin aniya ang LTFRB ng “Libreng Sakay” vehicles para sa mga mahihirapang sumakay kasunod ng tigil-pasada.
Kasunod nito, ipinunto ni Guadiz na kinikilala naman ng ahensya ang karapatan ng mga driver at operator na ipahayag ang kanilang hinaing.
Gayunman, panawagan nito na iwasang magdulot ng buhol-buhol na trapiko lalo na sa major thoroughfares.
Sa panig ng gobyerno, nananatili umano itong nakatuon sa pagtiyak na may maayos at maaasahang access ang mga mamamayan sa pampublikong transportasyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa